Pinaparusahan na ba tayo ng Diyos?
Inaani na ba natin ang bunga ng mga kasalanang ating itinanim? Sigurado akong sumagi na ito sa isip ninyo. Ang mga kalamidad ba ng kalikasan ay mga kaparusahan mula sa Diyos? Palaisipan ito na patuloy na bumabagabag sa akin. Hindi ko alam ang sagot. Hindi ko talaga matiyak.
Sino ako upang ipaliwanag ang kahulugan ng mga kalamidad na nagdaan…mga lindol na sunod-sunod…pagsabog ng iba’t ibang bulkan…pagbaha at mahabang pagbuhos ng ulan hanggang ngayon…ang paglaganap ng covid-19 at ang bagong virus…mutant virus…ang pagdami ng namamatay.
Paanong ang lahat ng ito’y nangyayari ng sabay-sabay? Bakit halos sabay-sabay?
Tanging ang Diyos, Siya lamang ang maaring makasagot sa tanong na – Tayo ba ay pinaparusahan na ng Diyos sa ating mga kasalanan, personal man o kasalanan ng bayan?
Ang tanong na – Pinarurusahan na ba tayo ng Diyos? – ay nagpapahiwatig na batid nating meron na tayong ginawang masama na dapat lang tayong parusahan. Kung kaya ang mas higit na mahalagang tanong sa – Pinaparusahan na ba tayo ng Diyos? – ay ang tanong na –
Tayo ba ay tunay ngang nagkasala sa Diyos at tama lang parusahan? Tayo ba ay tapat at masunurin sa Diyos palagi?
Walang bahid ba ang ating konsensya na hindi karapat dapat tumanggap ng kaparusahan?
Ang konsensya ba natin, konsensya ng bayan at konsensya ng bawat isa ay palaging malinis at walang dungis?
Kung hindi tayo inosente, pinaparusahan man tayo ng Diyos o hindi, sa pamamagitan ng mga kalamidad…nararapat tayong magsisi at magbayad puri.
Kasalanan ang dahilan upang tayo ay magsisi. Nagkasala tayo. Hindi natin ito maaring itanggi. Ang pagsisisi at pagbabayad-puri ay hindi dahil sa mga nararanasan nating mga kaparusahan o mga napipintong pagkagalit ng Diyos.
Kung tayo ay nagkasala, nararapat tayong magsisi. Kailangan ba nating maparusahan bago tayo magsisi? Huli na iyon.
Ang pagpipinetensya o pagbabayad kasalanan ay bahagi ng buhay Kristiyano. Inialay ng Diyos ang kanyang katawan at dugo para sa kapatawaran ng kasalanan ng mundo.
Ano ang dapat nating pagbayaran?
Sabi ng banal na kasulatan – Kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpapakumbaba, mananalangin, hahanapin ako at tatalikuran ang kanilang mga kasamaan…papakinggan ko sila mula sa langit…patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganahin ang kanilang lupain.
Kami ba iyong mga pastol, mga pari, mga obispo ng mga mananampalatay ay nanlamig na?
Mapagpasasa, mapagmataas at walang pakialam sa inyo?
Kami bang mga pari ay naging tagapaghatid ng mumurahing biyaya na naghahatid ng habag subalit walang pagsisisi?
Pinabayaan ng kasamaan kapalit ng sarap ng buhay?
Nabubuhay sa pagkukunwari habang ipinagdiriwang ang banal na misteryo?
Nagbabantay tulad ng asong gubat na manlalapa ng tupa na ipinagkatiwala sa amin.
Sa harap ninyo, sa harap ng Diyos, kaming mga pari ay nagtitika at humihingi ng patawad.
Kami bang mga pastol ay nawalan na ng tinig upang punahin ang bastos na pananalita? Dahil kami man ay nagmalabis din sa aming bulgar na halimbawa?
Kami bang inyong mga pari at mga obispo ay bigo na magkaroon ng iisang tinig upang maninindigan laban sa pagpatay sa mga mahihirap na drug addict… dahil hindi rin sapat ang aming pagtulong upang sila man ay mabuhay?
Kung hindi naming kayang hilingin ang civil transparency at accountability mula sa gobyerno – ito ba ay dahilan sapagkat mismong kami ang nagbabalewala sa mga bagay na dapat naming ipagsulit. Kung hindi na namin tinutuos ang paglapastangan at pagmumura sa Diyos, ito ba ay dahil sa taglay din namin ang parehong kalapastanganan at kamunduhan sa aming mga konsensya? Takot ba kami sa media at public opinion subalit nawala na rin sa amin ang takot sa Diyos kung kaya ang mananampalatayang katoliko ay nalilito na rin.
Hindi ba namin masawata ang fake news dahil kami mismo ay nagpapakalat din ng tsismis?
Patungkol sa mga pinunong spiritual, maaring sabihin ng Diyos – Kaya gawin ninyo ang lahat ng bagay na kanilang ipinapangaral subalit huwag ninyong tularan ang kanilang halimbawa.
Kaming mga pari ay tunay na may dungis at hindi karapat-dapat sa paningin ng Panginoon. Kung sa aming mga sarili lamang na kakayahan, dapat na kaming manahimik magpakailanman. Sa kabila nito, patuloy kaming nagiging propeta ng ating panahon na nagwawaksi sa masama at nag-aanyaya sa pagsisisi at pagbabayad kasalanan. Mga kapatid sa pananampalataya, mga kasamang pastol at kawal, nararapat na tayo ay magsisisi sa mga kasalanan. Humingi ng kapatawaran at magbalik loob sa Diyos. Ngayon. Hiram ang ating panahon. Tayo ay salamin ng ating mga pinahahalagahan. Tayo ay salamin ng kung sino ang pinipili nating pinuno. Ang konsensya ang dapat manaig at hindi ang kasikatan sa survey. Ang pagkamakabansa ang dapat na higit na manaig sa halip na propi-probinsya o tribu-tribo. Ang higit na makakabuti para sa lahat ang dapat manaig kaysa sa pampamilyang dynasty. Hindi mabubuhay ang demokrasya sa isang bansa kahit Katoliko na hindi binibigyang halaga ang konsensya. Ito ang mantsa sa ating pambansang konsensya. Nangangailangan ng paglilinis, pagsisisi at pagbabalik-loob.
Panginoon, kaawaan po ninyo ang aming biyak na buhay Kristiyano. Ang pagpatay upang masugpo ang suliranin sa drugs ay humihingi ng katarungan.
Ang mga pumapatay…
Ang mga nag-uutos sa pumapatay…
Ang mga saksi na walang ginagawa…
Ang mga patunay na tumatango sa pagpatay…
Haharap sila sa paghuhukom ng Diyos…
sapagkat sabi ng Banal na Kasalutan – Ang dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.
Sa mga mamatay na tao at kanilang mga sulsol – Panginoon, patawad.
Panginoon, kaawaan mo ang mga hindi matahimik na kaluluwa…ng mga biktima ng pamumuno ng mamatay ng tao.
Patuloy na sumisikat ang mga sinungaling at ang mga mandarambong ay tuloy sa pagkalaykay sa yaman ng bayan.
Ang kultura ng korapsyong patuloy na yumuyurak sa kahirapan ng mga kapuspalad dahil walang magawa ang mga mahihirap sa ganitong katawalian, sila ay masaya na sa pagtanggap na kakaunting mumo para sa botong na kanilang ipagbibili. Iniisip nila mas mainam na ito kaysa wala. Walang edukasyon para sa mga bata. Walang gamut para sa mga maysakit. Walang pagkain sa mga nagugutom. Walang tahanang uuwian at walang kahit anong habag mula sa kanilang mga mamayamang kapatid.
Panginoon, matagpuan nawa ng mga kapos palad na mapatawad kami.
Panginoon, nagtitika kami sa aming kawalang pakialam at pagmamalabis sa mga mahihirap.
Panginoon, huwag po ninyong iparatang sa amin ang kasalanang ito. Batid naming na sa araw na ito ng paghuhukom, ang mga mahihirap ay magiging hukom sa atin.
Ang mga mahihirap ang ating panginoon at napakalaki ng ating kasalanan sa kanila.
Ang mga dilang dapat sanang ginagamit upang magpuri sa Panginoon ay ginagamit natin upang manirang puri at magparatang nang mali.
Ang mga bibig na dapat magpahayag ng kadakilaan ng Diyos ay parang inodoro ng dumi, pusali at baho. Ang kabastusan ay tinutularan, ang paghamak sa Diyos ay tinatawanan, ang mga bata ay hinihikayat na tumulad.
Sa aba ko, sapagkat ako ay napahamak…sapagkat ako’y lalaking may maruming mga labi at ako’y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruruming mga labi.
Sabi ni propeta Isaias –
Dagukan natin ang ating dibdib sa kahihiyan at pagsisihan ang mga kasalanan ng ating bibig. Ang pagbabayad sala at pagsisisi ay nasa loob ng matigas nating kaluluwa na ngayon ay dapat nating buksan sa Panginoon. Mataimtim tayong magsisisi at manumbalik sa akin. Mag-ayuno kayo. Manangis at magdalamhati. Magsisi kayo nang taos sa puso at hindi pakitang tao lamang. Mahabag ka sa Iyong bayan, o Diyos. Huwag mong hayaang kami’y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa.
Mga kapatid, sa bayan ng Diyos sa Lingayen-Dagupan, inaanyayahan ko kayong mag-fasting at magdasal para sa pagbabayad kasalanan pansarili man o kasalanan ng bayan. Sa pamamaraang tago o kubli. Hindi lantad sa social media. Huwag na po ninyong i-post na batid lamang ng Diyos sa araw at panahon na hindi maginhawa para sa inyo. Ipanumbalik natin ang matuwid na kalooban na nakalimutan na ng kultura ng social media.
Sabi ng Ebanghelyo, kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
Ngunit kapag manalangin kayo, pumasok kayo sa inyong silid at isara mo ang pinto…saka ka manalangin sa iyong Ama nang hindi nakikita at ang iyong Ama nakakakita sa ginagawa mo ng lihim ang Siyang magbibigay ng gantimpala.
Kapag kayo’y nag-aayuno, huwag kayong mag-mukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila ay nag-aayuno. Tandaan ninyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag mag-aayuno ka, maghilamos ka…lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging nakaka-alam nito. Siya ang nakakakita ng ginagawa mo nang lihim at Siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.
Matapos nating gawin ang pag-aayuno at panalangin ng lihim at kubli, inaanyayahan ko kayong magkaroon ng pamayanang pag-aayuno at panalangin. Community fasting and prayer.
Sa kapistahan ni San Maximilian Kolbe sa ika-labing-apat ng Agosto sa susunod na Sabado, gawin nating gabay ang mga salita ni propeta Joel – Mga pari, tumayo kayo sa pagitan ng altar at pasukan ng templo.
Manangis kayo at manalangin nang ganito –
Mahabag ka sa Iyong bayan. Huwag mong hayaang kami’y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa.
Sa mga panahong ito…sa mga panahon pang darating…sa mga panahon pang personal at pamayanang fasting at prayer. Hinihikayat ko kayong bumuo ng circles of fasters and intercessors and discerners. Hayaan nating ang espiritu santo ang magturo sa atin maging tagasunod ni Kristo sa panahong ito ng kaguluhan, ng pagtataksil, ng walang katiyakan at pagkakawatak-watak. Totoo ang demonyo subalit napagtagumpayan na ng Diyos ang kasamaan at tayo ay wagi.
Pinaparusahan na ba tayo ng Diyos?
Diyos lamang ang makasasagot niyan. Magdasal kayo at tanungin niyo Siya.
Nararapat ba tayong parusahan? Oo, mga minamahal kong mga kapatid. Mas Malala pa ang dapat na parusang ibigay sa atin. Pagpipinitensya. Pagpapakasakit. Pagsisisi. Mabilis na tumatakbo ang panahon. Kulang na tayo sa oras. Kahabagan nawa tayo ng Diyos. Kahabagan nawa ng Diyos ang Pilipinas.
Salamat po Bishop Soc…