BUMALIK TAYO SA KINABUKASAN!


Sanay tayong matalo! Nagmukhang talo si Jesus nang ipako siya sa krus. Tukod langit sa kahihiyan. Nagimbal ang mga alagad. Nahiya. Nanlumo. Nagtago. Hindi nagkatotoo ang akala nilang mananalo sila. Parang tayo di ba?
Ano ang ginawa nila?
Yong ilan ay nagtago sa madilim at kandadong silid. Lito. Takot. Lupaypay at mugto ang mata. Parang yong ilan sa atin!
Yong dalawa ay nagtangkang maglakad pa-Emmaus. Ang Emmaus ay pasyalan. Libangan. Pampalimot sa problemang dala. Mula ngayon ayoko ng mangarap! Hindi na ako magmamahal para hindi masaktan!
Yong iba ay nagtangkang bumalik sa pangingisda. Ayaw na sa misyon. Ayaw na sa pangangaral at house to house. Ayaw na sa pagtulong at palugaw. Balik sa dating gawi. Buti pa dito, walang nasasaktan. Mabuti pang walang pakialaman!
Natalo ka? Natalo tayo? Damhin ang kirot at huwag magtapang-tapangan. Mas maraming aral na matutunan sa bubog ng pagkatalo kaysa sa medalya ng pananalo. Huwag pigilin ang luha.
Magtatago ka na lang sa kandadong kuwarto? Kalimutan na ang lahat at libangin ang sarili? Itapon na ang bagong pangarap na binuksan at mangisda na lang tulad ng dati?
Ano ang sabi ni Jesus? Huwag kayo sa dilim. Huwag bumitaw. Huwag kayo sa dagat. Kita kita tayo sa Galilea!
Galilea kung saan isinilang ang mga pangarap. Galilea kung saan pinagaling ang mga maysakit, nagpakain sa mga gutom, tumulong sa mga nasa laylayan, umalalay sa mga nakalimutan!
Nang sila ay natalo at nanlumo at humikbi at nanlupaypay, sabi ni Jesus ‘MAGKITA TAYO SA GALILEA!”
Galilea ang ating pinagsimulan. Galilea ang tagpuan ng mga nagmamahalan. Galilea ang sinilangan ng pangarap na kinabukasan.
Talo? Lupaypay? Pagod?
Bumalik tayo sa KINABUKASAN!
May kulay rosas na kinabukasan na pumukaw sa atin!
Huwag nating ipanakaw kahit kaninong mandarambong ang pangarap na umantig sa atin!
Kulay rosas ang kulay ng bagong laban! Bumalik tayo sa kinabukasang natikman! Hindi ako nanghihinayang! Walang nasayang!
–Father Soc

One Reply to “BUMALIK TAYO SA KINABUKASAN!”

  1. I find comfort in this article. Masakit pa din. Tagus tagusan. “Damhin ang kirot at wag magtapang-tapangan.” Salamat Fr. Soc

Care to Comment?

%d bloggers like this: